J.Kulisap: Nagdadalawang isip kung lalapit sa ama para magtanong. Sumilip ng bahagya sa dahon ng pinto. ‘Tay,ppp-pw-pwede p-po po bang magtan…?!?” Kaba, kaba…urong itlog.
Tatay: Hindi pa man tapos. Umiling kaagad ang tatay ni J.Kulisap. “Mali, sundin mo kami ng nanay mo.”
Nanay: “Kung ayaw mo na, maari ka ng umalis at kalimutan mong may pamilya ka pa. Ilang taon ka na ‘nga? Sengkwenta y dos ka na Kulikuli. Sana hindi ka na lang lumaki, damulag ka, kung hindi kasalanan sa Panginoon, sana..sana..’di kita iniluwal.”
Tatay: “Tingnan mo kami ng nanay mo, ang mga kapatid mo, tingnan mo sila. Gawin mo kaming halimbawa. Huwag kang gagawa ng sarili mong diskarte. Mali ‘yon.”
J.Kulisap: Walang masabi, namimilipit, malapit ng magkarera ang mga luha. Punas ng sipon, singhot. “Pero ‘tay, ‘nay….gusto ko lamang namang…mahalin ko kayo. At…at magpatuli na…po.”
Tatay at Nanay: Nanlaki ang mga mata bago magsalita. Mali ka JKul, kahit kailan wala kang ginawang tama.
Tatay: “Mali ka J.Kulisap.” Halos tumalsik na ang ulo sa kakailing ng tatay.
Nanay: “Tama ang tatay mo, mali ka J.Kulisap.”
J.Kulisap: “Tanggap ko na po, mali po ako…maling mali po ako…dahil kayo po ang mga MAGULANG KO.” (more…)
Kilalanin si J.Kulisap. Noon, ngayon at bukas. 1. Noong siya ay nasa unang baytang sa mababang paaralan, natuto siyang magbasa noong mga huling araw na ng pasukan, bumawi noong nasa ikalawang baytang subalit siya ay nasampal ng libro sa mukha ng kaniyang minamahal na guro dahil: a) hindi siya makasagot sa sipnayan, sadyang mapurol ang kaniyang utak. b) umepal sa pagbabasa, mas malakas ang boses kaysa sa nagbabasang kamag-aral sa unahan ng klase. k) maraming mali sa pagsusulit. d) lahat ng nabanggit. (more…)
Panuto: Bilugan ang titik ng tamang sagot. Kung hindi kayang bilugan, bagsak sa pagsusulit.
Ang larawang nasa itaas ay isa lamang sa maliit na isla sa Marinduque. Malapit ito sa pantalan ng Balanacan.
Iginugol ko ang kalahati ng aking buhay sa isla ng Marinduque. Dito ako humabi ng mga pangarap pero itinulak pa ring makipagsapalaraan sa kalakhang Maynila.Kung susuriing maigi sa mapa ng Pilipinas, inilalarawang hugis puso ang islang ito. Ito daw diumano ang puso ng ating bansang Pilipinas.
Ipapasyal ko kayo sa aking lalawigan. Ang Marinduque. Tara, galugarin natin ang Marinduque.
Mamili ka, barko, dyip o kalabaw? Lahat ‘yan, sinasakyan. Nakakasakay ka na ba sa kalabaw? Sa dyip na namumulaklak sa mga tao. Bihira ang byahe kaya ganyan.
Ang malawak na palayan na pangunahing pinagkukunan ng ikinabubuhay ng mga tao sa amin. Ang lusong at halo ay ginagamit pa rin ng ilan para mabayo ang palay, nilupak at iba pa. Ang tapayan o banga na mas matanda pa sa akin. Malamig ang tubig diyan.
Ang kuweba na pinagkukunan ng inuming tubig ng mga kababaryo ko. Ang aming tree house at ang mahigit sa 400 years old na simbahan sa Sta. Cruz, isa sa bayan ng Marinduque.
Dati rati’y nais mong lumayo para makamtan ang halina ng iba pero magbabalik upang hanaping muli ang yakap ng bayang sumisinta. -J.Kulisap-
Ang mga larawan ay kuha ng inyong lingkod.