Maraming beses na tayong nag-usap. Nagpalitan tayo ng mga ideya, ng mga kaalaman at karanasang makakatulong sa atin upang mapayabong pang higit ang ating pagkatao. Halos isang taon na nang sibihin mo sa akin na ilathala ang iyong karanasan sa pag-ibig at pakikipagrelasyon. Ipinangako ko ‘yon, marapat lamang na tuparin ang kahilingan. Labingdalawa ang buwan sa isang taon, bakit ngayong Disyembre ko pa naisipang ilathala ang iyong kwento gayong nagdulot ito sa iyo ng pagkaligalig at pagbabago sa matiwasay mong pamumuhay bilang prinsesa ng iyong mga magulang. Marahil ito ang diwa ng Pasko, pagtanggap, pagpapatawad at pagmamahal. Sa piling ng iyong mga magulang, alam kong maligaya ka pero pinili mo pa ring makisabay sa hinihingi ng lipunan.Kailangan mo ng isang asawa at anak para mabuo ang iyong pagkatao bilang isang babae.
Nasaksihan ko kung paano ka natutong umawit, kung paano ka natutong sumayaw at kung paano ka umakyat sa buwan kasama ang taong naghatid sayo sa kaluwalhatian. Naramdaman ko na ikaw ay tunay na umibig kahit na mabilis pa sa bulalakaw ang mga pangyayari. Dinala mo ng siyam na buwan sa iyong sinapupunan ang bunga ng inyong pag-ibig. Sa idinulot na kaluwalhatian ng pag-iisa at paghahanap ng ilang taon, hindi ko inaasahang mauuwi ito sa hindi pagkakaintindihan hanggang sa bumitiw ka at piliing iluwal ang sanggol na hindi siya kasama.
Sa mga mata mo ay nabasa ko ang kalungkutan at kagustuhang itago ang sakit na nararamdaman ng isang taong labis na umibig at nangarap na may isang prinsipeng handang mag-alay ng wagas na pag-ibig. Mahilig kang magbasa ng mga nobelang umiikot sa mga romantikong pangyayari at pantasya ngunit tila yata nakalimutan mo ang reyalidad. Sinuong mo itong gabay ang mga kwento sa nobela, at inangkin ang isa sa mga karakter na gumaganap- prinsesang naghahanap ng busilak na puso ng isang prinsipe.
Sabi ko sayo dati, hindi ko magawang matapos ang kwento mo, ang katwiran ko, dahil may kung anong salik akong hinahanap. Marahil inaasam ko ring matagpuan mo ang tunay na kaligayahan at kapayapaan sa iyong sarili at magkaroon ka ng sariling “pamilya” na sandigan at pinaghuhugutan ng mga paliwanag kung bakit ka binigyan ng buhay dito sa mundong ito. Hindi ka nag-iisa, siya, sila ay kapareho mo din, may sariling pangarap na binubuo subalit mahirap idikta sa tadhana ang nais mo lamang. May mga dahilan ang lahat at sa bawat pag-usad mo, alam mong iniaalay mo ang iyong sarili sa iyong anghel lalo’t higit ang kahalagahan mo bilang isang tao.
Naiintindihan kita sa maraming pagkakataon subalit hindi ko pa rin lubusang mauunawaan ang pangangailangan mo pero hayaan mong tadhana na ang gumawa ng paraan para mabuong muli ang nais mong nobela.
Sinabi mo, kaya mo na siyang tingnan sa kaniyang mga mata ng wala ka ng pait na nadarama. Tama ring nagkusa siyang dalawin ang inyong anghel ngayong buwan ng Pasko. Pakatandaan mong ang pag-ibig ay hindi dapat hinihingi bagkus ikinukusa. Sa ngayon sapat na ang nakikita kong katatagan sayo para harapin mo ang mga darating na pagsubok sa iyong buhay bilang babae at ina.
“Minsan kinakailangan nating kalimutan ang ating mga sariling kagustuhan para mas mahanap natin ang ating sarili sa buhay ng iba.”-J.Kulisap
Ang lahat ay nagsisimula sa kawalan. Anumang damdamin nag-uumpisa parang pahinang walang laman. Puti, simbolo ng pagkadalisay. Malinis, ibig sabihin walang bahid ng duda, lungkot, ni pagkabahala. Blanko, pero nilikha ng Panginoon ang mga titik para punan ang kawalan na ito. At sa pamamagitan ng mga titik maaari ipahayag ang damdamin na kanlong ng puso. “titik ng pasko”, tama ba nabasa mo? Oo, hindi “itik ng pasko”, manok kasi handa namin, matigas kasi karne ng itik. mas mainam sa puso ang karne ng manok, lalo na pag ganitong kapanahunan kung saan ang mga puso ay nagdidiwang, mahirap na atakihin. Malikot ang mga titik sa sanaysay na ito, gaya ng mga damdamin na hindi mapakali at sabik, hindi layunin ng may akda na lituhin ang iyong diwa pero nais lang iparating sa giliw na mambabasa na walang iisang kahulugan ang mga titik. Puso ang maglalagay ng kahulugan sa mga salita, kaya anuman ang binabasa mo ngayon eh ikaw ang magbibigay ng kahulugan nito. Tuliro ka na ba? Ako din. Ibig sabihin may puwang ang pagkakaintindihan. At mas nalito ka? Ako din. Ibig sabihin nagkabuhol-buhol na yung usapan, anak ng katipay. Balik tayo sa una, sa bakante’ng espasyo, sa blanko’ng papel. Simple, hindi kumplikado. Mas masaya. hindi ba? Mas masaya, mas bongga. Ganun ang pasko, gaano man kadami ang mga palamuti at paghahanda, mga ilaw at kulay, awit at kanta, pagkain at alak, pagmamahal at tuwa, simple lang ang mensahe ng pasko, ipagdiwang ang buhay. Sino may angal?
Puso ang maglalagay ng kahulugan sa mga salita, kapag ang mga titik ay inunawa ng isip at ipinasa sa puso, lumalabas ang nais iparating na mensahe. Si Yin na nagpiprito ng pretzels ang bumulaga sa huling araw ng aking patimpalak. Kung naliligaw kayo sa kuta ni Yin, mapaghahambing ninyo ang kaibahan ng kaniyang mga gawa kaysa sa kaniyang ipinasang akda dito sa aking mundo. Dahil si Yin ang nanalo, sa panaginip mo lamang ako makikita Yin, mag-abang ka dahil ako ay darating. Puro ang wikang Pilipinong kaniyang ginamit.
Ikinagalak ko ng labis ang mga sanaysay na inyong inilahok kusa man o nahikayat ko para makisali sa aking patimpalak. Hindi na magiging blangko o puti ang espasyong ito dito sa aking bahay-kubo lalo’t higit dito sa aking puso at isip. Kayumanggi ang aking damdamin, itinalaga ko ang aking sarili na magsulat para sa ibang naghahanap ng kasagutan sa mga nalilito nilang pakiramdam bilang Pilipino. Hindi makagagaling ang aking mga salita dahil walang himala dito subalit may mga uhaw na kaluluwa ang nangangailangan ng pagkalinga sa pamamagitan ng aking mga akda. Karamihan sa aking mga isinusulat ay pawang hango sa totoong nangyayari sa aking kapaligiran na nagsisilbing gamot sa napapagod kong kaluluwa. Naglalakbay ang aking isip sa walang hanggang pagtatanong dito sa mundong ito. Katulad mo, natagpuan mo ang blogosperyo para ikaw ay malibang, makapagbigay ng iba’t ibang impormasyon sa mga naliligaw. Mas mainam magpahayag ng nasa isip kung walang mukha ang isang manunulat dahil tanging puso lamang ng mambabasa ang maaring magbigay kahulagan sa iginuhit ng utak sa pamamagitan ng mga titik.
Iba’t iba ang pakahulugan natin sa Pasko. Mayroong hindi nagdiriwang nito, mayroong panatang ipagdiwang ang Pasko dahil ikaw at ako ay may sariling buhay na dapat pahalagahan. Kapag narating mo ang buwan ng Desyembre sa buong taon, alam mong pinahalagahan mo ang iyong buhay dahil kapag nangyaring naging blangko ka na- ikaw ay isa na lamang alaala ng mundong ito.
Sa mga nagsipag-ambag ng kanilang akda, kahit hindi ko na ipagsigawan ang inyong katalinuhan, marami na ang nakaalam bago pa ako, subalit inuulit ko ang aking pasasalamat. Ang inyong kaalaman ay isang magandang aginaldong ipinagkakaloob sa mga uhaw na katulad ko.