KAYUMANGGING DAMDAMIN

Pinoy, masarap, mahapdi, mababaw at malalim ang buhay.
Nakikibaka o umaani ka man ng tagumpay, ikaw ay Pilipino, may kayumangging damdamin.
Sa aking sulatin, lipi mo'y sinasalamin.-J.kULiSaP-

KRISTAL

September 6, 2009

           

Inabangan ng punla ang iyong pagdating, upang layon niya’y makamtan. May kalulwang tumataghoy sa panangis, may inaagos hanggang sa malunod. May isang baliw na alagad ng sining , inaapura ang kaniyang obra, dahil kapag ikaw ay tumigil, hihinto din ang isip niya.

May kalyuhing kamay na alipatong isinilong ang kaniyang pinapastol. May nagpapaningas ng apoy upang maibsan ang lamig na bumabalot sa kaniyang katawan. Ang abang inakay nama’y nagkubli sa malagong dahon ng Molave, habang ang isang ina’y ikinulong sa bisig ang pumapalahaw na sanggol.

Naghahari ang gabi’y ibabalot mo sa kumot ang iyong katawan habang kinikiskis ang paa sa nanlalamig na puso ng iyong kabiyak. Bukang liwayway ay malamya, sa hapag nanamnamin mo ang usok na dulot ng mainit na lugaw, sa tanghali nama’y may bahaw na kaning sasabawan ng kapeng barako.

May isang labis na umiibig ang iyong pilit na ibabalik sa kaniyang nakaraan, sasabayan ng iyong mga kristal na alagad na nag-uunahang dumampi sa tigang na lupa; mula sa pintuan ng kaniyang kalulwa’y lumalaya din ang kinikimkim na butil ng kabiguan. Ikaw nama’y lumalaklak ng alak, hihithit ng tabako, umaasang magmamanhid ang iyong puso at utak. Kakatok ka, magbabasakaling sasamahan ka niyang sayawan ang musikang hatid ng iyong mga kristal.

 

Para kay J.Kulisap, minimithi niyang ibalik mo siya sa kaniyang kabataan kung saan hubad pa siya sa katotohanan.

 

Buhos pa ulan, araw ika’y maghari na,

Tumigil ka na ulan, araw huwag ka magpakita.

Ulan ikaw ba ay pakiramdam,

Ito ba ang hatid mong kahiwagaan?

 

Posted by kayumanggingdamdamin at 11:25 am | permalink

Previous Comments

kung iyo pong mamarapatin, ginoong kulisap, ilang araw, buwan, taon niyo nang nasilayan ang kahiwagaan ng mundong ibabaw? sapagkat sa iyong mga akda, pakiwari ko’y ilang bagyong naghuhumindig na, ilang ulang tumatangis na ang iyong nasaksihan upang maipundar ang ganiyang pag-iisip at karanasan.

Posted by lio loco at September 6, 2009, 2:54 pm

sa tuwing uulan ay mayroong isang bata na kinukubli ng takot. ang bawat patak ay dagundong ng sinlakas ng katahimikan.

dahil nakipagkasundo siya sa isang nilalang na ang hudyat ng kanyang kapanganakan ay ang pagbuhos ng ulan.

Posted by Palakol at September 6, 2009, 10:06 pm

wew nahirapan akong iabsorb pero galing ng pagkakagawa. medyo kaiba ito sa mga prev entries mo ah. keep it up.

Posted by taympers at September 6, 2009, 11:41 pm

Ginoong LioLoco,

Sinisiguro ko sayong mas matanda ang punong ito kaysa sayo o maging kay Palakol, kayo ay nasa kasibulan pa lamang pero aamining ko mas mahusay kayong nilalang kaysa sa abang ginoo.

Tama ka, iyong nababasa ang aking karanasan, ang sarili kong bagyo, ang sarili kong pagtangis dahil ito ay aking buhay, buhay ng mga taong nasa aking kapaligiran.

Ang pagsusulat ay sining at ang mga salik ay nasa iyong kapaligiran o minsan nama’y nasa dugong pumipintig papunta sa iyong puso.

Posted by kayumanggingdamdamin at September 7, 2009, 7:41 am

Ginoong Palakol,

Kung nasaan man ang nilalang na ‘yon, nasisiguro kong lumalaban na siya sa katahimikang ikinubli ng takot dahil sa pagbuhos ng hiwagang kristal.
Kung sa hinuha ko’y siya ang nilalang na ‘iyon nagtatampisaw na siya at sumasayaw, nakangiti habang umiindak sa saliw ng kaniyang musika.

Posted by kayumanggingdamdamin at September 7, 2009, 7:44 am

Salamat Ginoong Taympers, pwede ka namang magtaympers.

Di pa ako natatanggal ng aking muta ay hinanap ko na kahapon ang papel at lapis, binulabog ko ang mga natutulog kung ano ang aming agahan, kailangan mainitan ang aking kalulwa upang makagawa ng isang sining-sulatin.

Naiintindihan mo yan, isang natural na pangyayari lamang ang ulan, kapag hindi siya dumating walang Taympers, Palakol, Lio Loco at kulisap na nag-iisip at pumapalahaw sa blogosperyo.

Posted by kayumanggingdamdamin at September 7, 2009, 7:48 am

napaka-makata natin ah. kaya bilib ako sa mga pinoy eh.. we have a way with words. nagbuhat ng sariling bangko? haha. kung may oras kayo… bisita po kayo sa bago kong blog… not as nice as yours pero i’ll get there. hehe. masayang araw sa ating lahat

Posted by night crawler at September 7, 2009, 9:42 am

Makata ba? Mga inayos na salita para maging mahusay na pangugusap at sambit. Dapat maging bilib tayo sa ating lahi, kudos para sayo. Walang masama kapag nagbubuhat ng sariling bangko, basta magaan at kaya mo ito.

Magkakaroon ako ng oras para sayo. Tama, dapat mas maganda pa ang laman ng iyong sayt, para mas masarap tumambay.

Salamat po sa pagdaan Ginoo Gapang sa Gabi

Posted by kayumanggingdamdamin at September 7, 2009, 10:42 am

Iba’t-ibang damdamin at saloobin ang hatid ng ulan. Sa akin man ay may dulot itong hiwaga at lumbay. Ang malamig na dampi ng hangin sa pisngi ay nagsisilbing sumpa sa aking pagkatao. Kung ano mang hiwaga ang dala ng ulan ito’ y mananatiling nakabalot sa kristal na nagtatago sa kandungan ni Kulisap.

Posted by Paquita at September 7, 2009, 11:16 am

Iniiyakan mo din ba ng sabay ang ulan Paquita?

Ang halumigmig na dantay sa iyong pisngi at munting butil na dumadalayday sa’yo ay tila aliping maglilinis sa napapanglaw mong kalulwa.

Noong bata ka pa’y may lumisan, marahil wala ng balikan kung kaya’t ikaw ay napapanglaw, huwag ng mag-alala, alam kung sa bawat pag-ulan may mga kamay na umaalalay sa isang batang musmos na natakot sa ulan.

Posted by kayumanggingdamdamin at September 7, 2009, 11:37 am

Ang paggabay ng minamahal ay bantulot na na nagbibigay ng kapanatagan sa lalim ng sugat na nilikha ng ulan. Sapagkat sa bandang huli’y tanging sariling paglingap lamang ang tutubos sa hapding minsan ay inihatid ng ulan.

Posted by Paquita at September 7, 2009, 2:05 pm

Tinubos ka na ng ulang nagpaantak sa iyong pagdadalamhati. Panahon na upang ang ulan ay ipakilala mong magandang gantimpala, sa kabila ng kaakibat na kalungkutan nito, datatal ang haring araw pagkatapos bumuhos ang mga kristal. Hindi ba at nagiging luntian ang paligid, umuusbong ang bagong pag-asa, ang bagong buhay?

Posted by kayumanggingdamdamin at September 7, 2009, 2:10 pm

wala akong masabi hahhaha,napakalalim ng mga salita,di ko halos masisid ang tunay na ibig sabihin nito,napakagaling naman kasi ng gumawa,matalino at…………..napakarami pang pwedeng isalarawan tungkol sa may akda kasi baka maubusan ako ng tagagalog na naimbak pa noong akoy grade 2.

Posted by nony at September 7, 2009, 3:28 pm

Maraming salamat Nony sa iyong papuri sa ating kaibigang Kulisap. Sadyang ang pag-ibig ay wagas kung nakalaang maghintay sa pagdating ng ginintuang araw.

Posted by Paquita at September 7, 2009, 3:59 pm

Nony salamat sa pagdaan, hindi ito malalim gaya ng iyong inaakala, kung makikilala mo lamang ang taong si J. Kulisap, kababawan ang ipapakilala niya sa iyo.

Hindi rin siya napakagaling at matalino. Pwede ka namang gumamit ng wikang banyaga, mayron akong dalawang tagasalin si Lio at Palakol, sila na nagpapadugo ng aking ilong.

Posted by kayumanggingdamdamin at September 7, 2009, 4:07 pm

lubhang matalinghaga. di kinaya ng level of comprehension ko. haha.

pero honestly, kakaunting tao na lang ngayon ang may kakayahang gumamit ng ganitong klase ng istilo. Karamihan sa mga nagsusulat sa wikang Filipino ay masyadong pangkaraniwan ang mga salitang ginagamit. Great job!

Posted by Allen at September 7, 2009, 4:10 pm

G. Allen,

Matalinhaga, matuyutay- ito ang wikang nakalimutan na natin, binubuhay ko lamang sa maliit na paraang ito.

Kayanin mo, kahit ako iba ang aking pakahulugan sa aking akda pero iba-iba ang naging hatid na bulong sa mga mambabasa.

Salamat sa papuri Ginoo.

Posted by kayumanggingdamdamin at September 7, 2009, 4:15 pm

Sadyang ang panahon ay madaya
May mga bagay na kumukupas at naglalaho subalit hindi nakakalimutan katulad ng pagsapit ng ulan sa dapit-hapon. Nawa'y aking masumpungan ang luntiang paligid na iyong ipinangako upang ang puso at kaluluwa ay iduyan na ng tuluyan sa walang hanggang kaluwalhatian.

Posted by Paquita at September 7, 2009, 4:18 pm

Humikbi ang aking pusong aba Paquita, alam mo kung paano ako mangibig at umasang mamahalin ako, subalit baliw ang aking puso, mas baliw pa sa aking sentido, uulan na naman at ilang patak pa ang magpapaligo sa tigang na kalulwa?

Sa kabilang banda, natagpuan mo na ang luntiang paligid, bitawan mo na ang ulan, hayaan mong dumaloy siya sa mga katulad kong nauuhaw.

Posted by kayumanggingdamdamin at September 7, 2009, 4:22 pm

Kung ang ulan ang magdidilig sa puso mong nauuhaw aking tatawagin ang pinamalakas na bagyo upang lunurin ang pait na dulot ng iyong pag-iisa.

Kung sa kabila nito’y banlik lamang ang maging dulot ng ulan hayaan nating ang iyong puso na ang magpasya at baka sakaling doon ay matagpuan ang tamang pintig.

Posted by Paquita at September 7, 2009, 4:36 pm

Tawagin mo na ang pinakamalakas na bagyo, baka magbibingi itong puso ko, o ang amihan at habagat ay itaboy ako sa ibang dako.

Posted by kayumanggingdamdamin at September 7, 2009, 4:45 pm

Rain rain go away, come again another day!!!

Goodbye seems to be the hardest word to utter, but, what good is holding on when you know it’s over.

By: Lablab

Posted by Salome at September 7, 2009, 4:54 pm

pumapatak na naman ang ulan sa bubong ng bahay…
as violent as it might seem, rain replenishes life.
gusto mo tagalugin ko? as bayolent as it mayt sim…
pinakirot mo na naman ulo ko. galing mo talaga sa tagalog…or in short, galing mo talalog.

Posted by Mr. Nonsense at September 8, 2009, 12:25 am

malalim ang sinasaad ng post na ito. kung baga sa ilog, mahirap tarukin. malulunod ang di marunong lumangoy.

Posted by plaridel at September 8, 2009, 4:37 am

G.Walang Kwenta,

Tama ang kristal na butil ng ulan ay buhay.

Magaling ba? Pakiwari ko ay hindi ito papasa sa mga dalubhasa na pinag-aaralan ang ating wika, subalit hindi ko naman sila tinatawag upang pag-aralan ito. Ito ay aking saloobin at kayumangging damdamin.

Posted by kayumanggingdamdamin at September 8, 2009, 8:38 am

Plaridel,

Napadalaw ka, alam kong abala kang tao at gaya ng ulan ay bihirang pumatak kapag hindi tag-ulan.

Malulunod ang hindi marunong kumampay, makakahanap ng salbabida ang nais mabuhay.

Posted by kayumanggingdamdamin at September 8, 2009, 8:39 am

Salamat namang kaibigang Paquita at napansin mo ang aking pagdaan.Ako di’y nananabik na magtampisaw ulit sa ulan ng sa gayon ay maramdaman ko ulit ang pagmamahal ng isang kayumanggi.Nawa’y magkikita tayo sa darating na araw o di kaya buwan sa aking pagbabalik.Ipaabot mo ang aking pagmamahal sa kanya.Alam mo naman siguro kung saan mo sya makikita.Ingat lagi at alalahaning ang ulan ay nagdudulot din ng sipon.Huwag kang susuong kung wala kang dalang payong.

Posted by nonoy at September 8, 2009, 8:58 am

hehe…di ka ba natatawa sa mga pinagsasabi mo? seryoso ka noh?

Posted by Mr. Nonsense at September 8, 2009, 12:43 pm

Ako’y nagagalak at ako’y naatasang maipaabot ang pag-ibig na wagas. Subalit, naninimdim na ang panahon ng pag-ibig ay masadlak sa limot at pagkapagod. Halaman man ay naluluoy kung ang ulan ay ipagdadamot.

Posted by Paquita at September 8, 2009, 1:03 pm

ganun ba yun..

hmmm…

gustong ibalik ang kamusmusan,
pero kahit ngayon naman

pede pa ring mahilamusan.

hmmmm….

ganun lamang marahil ang
takbo ng ating buhay.

walang liku-liko, walang pumupigil.
kung baga isang tadhanang sinulid na wari’y
manipis na hibla ng buhok na
tila matibay ngunit kapag ito’y inabuso
tiyak ito’y bibigay.

Posted by jason at September 8, 2009, 2:53 pm

First time kong binasa ang blog mo kayumanggi…nag enjoy ang lola mo.c”,)

Posted by glenz at September 8, 2009, 3:49 pm

Aba at nagiging makata rin pala ang daga.

Sadyang ang buhay ay marupok, isang pitik lang pwede ng tumigil ang hininga.

Pwede pa rin pero ang kamusmusang walang sala ang pinakamasarap na yugto ng buhay.

Posted by kayumanggingdamdamin at September 8, 2009, 5:58 pm

GK,

Bakit ako matatawa? Matatawa ako kung katawatawa ang isang pinag-uusapan. Seryoso, saan?

Ipaliwanag mong maigi. Hahahaha

Posted by kayumanggingdamdamin at September 8, 2009, 6:18 pm

Lola ka na ba Glenz?

Sige lang, namnamin mo, palagay ko’y laking Maynila ka, tama ba ang aking hinuha?

Posted by kayumanggingdamdamin at September 8, 2009, 6:18 pm

masyadong malalim G. kulisap… mangilan-ngilang salita ang hindi tumimo sa aking isipan.. pasensya na po…

Posted by alvin at September 9, 2009, 3:23 pm

Alvin,

Bakit ka humihingi ng pasensya?

Ang mahalaga, may naintindihan ka pa rin kaysa sa wala.

Salamat po sa pagdaan

Posted by kayumanggingdamdamin at September 9, 2009, 5:39 pm

Noon, inspirado ako sa hiwaga at sa kakaibang damdaming dulot sa akin ng ulan… Gustung-gusto ko ang ulan — ang lamig ng simoy ng hangin, ang mga patak ng tubig mula sa langit, ang ligaya ng mga halaman, etc…

Pero ngayon, ewan, nawala na sa akin ang ganda ng ulan… Ang dami kasing tulo sa bahay, e (weak ang pagkakagawa sa bahay namin!)! Hehehe. Lalo na pag labis ang lakas, pag malubha ang buhos — naku po! Tumatagos sa aming mga dingding. Pinahihirapan ako sa pagsahod at pagpupunas ng mga tulo, bukod pa sa binabasa ang aking mga gamit… Tsk!

Nako, anong klaseng komento ito sa inyong napakalalim na entri… Hehehe. Pasensya na ho, pagod pa ang aking maliit at hamak na utak na sinugat-sugatan pa ng inyong akda (ang hirap kasing intindihin! Hehe.)

Posted by xdalisayx at September 9, 2009, 8:38 pm

Dalisay, hindi mo ba naisip na kaya may tumutulong kristal mula sa kalangitan ay upang dalawin ka, sabay sa pagdalaw ay ang pag-iisip na mayron kang masisilungan, hindi nga ba at isang kang mapalad.

Kamusta ang paglalakbay?

Posted by kayumanggingdamdamin at September 10, 2009, 8:12 am

amp. tulad din pala sa wikang ingles ‘to. nakakadugo ng ilong..

oha. at least tagalog :)

Posted by otep at September 10, 2009, 1:02 pm

Ganun ba Otep?

Marahil ang pagdurugo ng iyong ilong ay dahil nasundot ka, hehehe.

Marahil hindi talos ng iyong isip o dama ng iyong pakiramdam ang mensaheng hatid ng aking artikulo, ito ay katulad din ng ibang akda na hindi ko rin minsan natatanto.

Posted by kayumanggingdamdamin at September 10, 2009, 3:39 pm

salamat ginoong kulisap, isa ka talagang tao, at hindi ugaling kulisap, akala ko magagalit ka sa unang comment ko, at least honest ako di ba…

im back, so c’mon letz party….

Posted by livingstain at September 10, 2009, 5:58 pm

Sigurado ka mantsa?

Tao ako? Kulisap ako.

Hindi ko na maalala kung anuman yong komento mo, hindi naman ako galit. Kung matapat ka sa sarili mo, siguro matapat ka nga.

Saan ang party? Anong suot? Hubo’t hubad?

Posted by kayumanggingdamdamin at September 11, 2009, 8:09 am

ang lahat ng ating karanasan ay tanda ng ating pagkayod upang mabuhay dito sa mundong ibabaw. lahat ng ito ay dinisenyo ng isang Mataas na Nilalang upang tayo ay maging matatag sa anumang hamon na darating.
ngayon ay tag ulan na naman at tiyak bubuhos ang kaginhawaan…toink!
salamat sa pagbisita kulisap..galing ng site mo!

Posted by blu.sparks at September 11, 2009, 10:42 am

Marahil nga Blusparks. Idinisenyo sa paraang gusto niyang maging sining.

Napakagaling Niya.

Tag-ulan na nagpapaginhawa at nagpapahirap din, isang sining ng nasa Itaas.

Walang anuman

Posted by kayumanggingdamdamin at September 11, 2009, 12:09 pm

aba

walang daga dito..

HAHAHAHHAA

Posted by jason at September 11, 2009, 5:10 pm

Mayron lahat ng mga taga ibang planeta kapag nasa mundo ko ay nagiging Pinoy, bwahahaha

Posted by kayumanggingdamdamin at September 11, 2009, 5:22 pm

napadaan lang galing sa kuta ng kaibigan kong daga..
kailangan bang mag komento din dito na makata ka rin ehhe..joke lang..

Posted by lovely at September 11, 2009, 9:14 pm

Halina, salamat sa pagdaan sa aking kuta.

Kung nais mong maging makata, walang problema, kung gusto mong salitang pangkaraniwan ayos din.

Posted by kayumanggingdamdamin at September 12, 2009, 11:07 am

ang lalim ngmga pakahulugan ng entry na ito…ang sapantaha ko isa kang makata na nabuhay sa malayong panahon ng nakalipas…hehehehe….
balik-ere na po ako…

Posted by bluguy at September 12, 2009, 4:54 pm

Ayos ManongBughaw,

Ikinalulugod ng J.Kulisap ang paglalarawang siya ay nabuhay sa malayong panahon ng nakalipas.

Sige po, dadalawin ko din ang iyong tahanang bughaw

Posted by kayumanggingdamdamin at September 14, 2009, 8:21 am

kuya kulisap napadaan lang po para tumingin kung may bago na… hehehehe

Posted by livingstain at September 15, 2009, 11:41 am

Hehehe, Mantsa, ikaw nagpapaalala sa akin na gumawa ng bago, nong nakaraan ganyan din ang sinabi mo.

Ayaw gumana ng isip ni J.Kulisap, kinakalawang.

May mga luma akong entri, kapag may oras ka pagtyagaan mo muna.

Posted by kayumanggingdamdamin at September 15, 2009, 12:02 pm

ngayon ko lubos nauunawaan ang kahiwagaan ng entry na ito…iisa pala ang ating pintig at pananaw sa mga kamalayang malaya…..

Posted by bluguy at September 17, 2009, 3:00 pm

MamangAsul,

Oo sapagkat hinirang ko ang aking sarili na alagad ng sining, magpipinta ayon sa iniuutos ng kaniyang isip gamit ang midyum- ang ating kapaligiran.

Ang pintig at pananaw sa kamalayang binigyang kalayaan at bubulwak ng kusa kung manggaling sa puso at isip.

Posted by kayumanggingdamdamin at September 17, 2009, 3:07 pm

Add a comment








Magpaalam

Ang J.Kulisap

"HUWAG  MO NANG SABIHIN, IYO NA LAMANG GAWIN" -J.Kulisap-

--------------------------------------------------

Ako ay isang kyut noong ipinanganak ngunit may trahedyang nangyari, nasubsob ako sa ebs ng kalabaw,mula noon ako ay naging kulisap.

Tao daw ako sabi ni Inay,trabahador sabi ni bos,tagapagmahal sabi ni..hmmm..kapatid sabi ni ate at kuya, kaibigan sabi ni Paquita at ang tropa.Sa buhay natin kanya kanya tayo ng misyon,maswerte ang kulisap na liligaya din kahit sa salita lamang.Minsan ang salita'y nakalulunas ng napaparam na damdamin.Kaya ko kayang gamutin ang iyong karamdaman?

Ngayon ako ay magiging J.Kulisap na maghahatid ng samo't saring saya sa mundo.

Mapag-uusapan ang mga salitang inuulit ulit lamang,may paraan sa mga pagkamangha,ito ay ang magsaliksik,magtanong at magbasa. Ang buhay ng tao ay nakalatag sa mga salita.Pag-usapan natin sa espasyong ito.Pinoy nga ba ikaw Pilipino?

Ipahayag Mo

rocco:

dumalaw po

rocco:

dumalaw po ako

myCover:

ako po ay baguhang blogger…nagustuhan ko po ang mga akda mo…kaibigan po ako n orville barba…nais ko po sanang mapabilang sa inyong kadena…naisama ko n po itong site s aking links…hinihiling ko pong makakita ng mga komento ninyo s aking mga akda…maraming maraming salamat po!

xdalisayx:

kuya j. kul, ano po ang ibig sabihin ng mga salitang ito: nananagano, tikis, nalikmo, nasulo? pakimesej na lang po sa sayt ko. ty! nosebleed na nosebleed na ako…

kayumanggingdamdamin:

Para sa mga ipinoposte itong aking bahay-kubo, ipaalam nyo baka nagtatampo na kayo di ko pa alam.

Salamat

salbehe:

This is an automatically generated Delivery Status Notification. Delivery to the following recipients failed. (Email: kulizzap at yahoo dot com dot ph) Noong isang araw pa yan ganyan. Ikaw na lang kaya mag-email? salbehe at hotmail dot com

salbehe:

@J.Kulisap, yuhu!!!! inemail na kita, iniisnab mo ako. At hindi ako nagbebenta. Libre kong binibigay ang serbisyo ko, pero sa iyo pag-iisipan ko, baka may bayad :P At naka-get-over na pala ako sa pagtawag mo sa akin na ser. Peace?
(Alam mo bang “tite” nakalagay sa “Enter the code shown above. This will help fight off spam”. Nahiya naman ako :P )

Joyo:

:D

pengen-bente:

naninilip lang :D

Suckingbird Keller:

kuya jkul… musta ka na?

kayumanggingdamdamin:

Kamusta po kayo? Tuloy lang po. Pasok po

salbehe:

Baguhan ako sa site mo. Ganito pala sa i.ph!

lababo:

tiger lababo hahaha

suckingbird keller:

hi.. kuya jkulisap.. i mess you! hehe

jason:

OI namiss ko d2 sa blogworld. parang ang dami ko ng namiss. anong bago G. Kulisap?
isa nga pala kong dragon.

ML:

hello, hello po :D padaan.padaan po hihi

Sikat ang Pinoy:

Hi! Maaari bang makipag exchange link? Maraming Salamat po!

kayumanggingdamdamin:

Hi sa inyong lahat. Wink

kayumanggingdamdamin:

Mtoni hija, pasensya, naiiba sa wP itong kuta ko, hindi naman.tuloy ka lang.Saan ba kuta mo at magalugad?

melody:

nice blog site!
keep it up…

Leave a message ▼

    

Larawan

Subscribe

Technorati
Bloglines