Naging asero ang lupa, kagubata’y lumiliyab
Ang dating anyong lupa, ngayo’y anyong tubig na
At ang lahat ng may buhay ay nalagutan ng hininga- J. Kulisap
Alin sa larawan ang gusto mo sa ngayon? Bakit. Ipaliwanag
Natakot ka ba sa iyong nabasa sa itaas? Hangga’t tayong tao kapag walang nangyayaring masama sa atin o sa ating lipi, hindi tayo nadadala. Napapaisip lamang tayo kapag lumapit na sa atin ang kapahamakan lalo na kung ang ikinapahamak natin ay ganti ng kalikasan? Pwede mo ba siyang gantihan?
Ang turan, hindi natin pag-aari ang kalikasan, tayo ang pag-aari nito. Saan nga ba tayo tatayo, sa patuloy na pagtuklas ng ikagagaling ng tao sa aspetong kailangan natin bilang mortal o hayaang umasa sa ibinibigay ng kalikasan para hindi ito masira ng tuluyan? Iiwan ko ang katanungang iyan, dahil ako mismo na walang disiplina at pagkalinga ay hindi alam ang kasagutan, marahil natatalos ng aking isip ang mga posibleng pamamaraan ngunit lunod din ako sa kaligayahang idinudulot ng kung anuman ang mayroon tayo ngayon.
Tumutubo ba ang gusali? Para itong kabuteng bigla na lamang sumusulpot. Marahil may ugat ang gusali. Dati kapag nagagawi ako sa bandang timog, luntiang taniman ng mga palay o halaman ang aking nakikita, masarap tingnan, may kaaya-ayang haplos ang simoy ng hangin, ngunit ngayon, mga nagagandahang bahay o gusali na ang tumubo doon. Ano kaya ang lasa ng bunga ng gusali?
Kung ngayong tayo ay buhay at nasasaksihan ang mga sakunang kumikitil at umuubos ng ating kabuhayan, ano ang pwede nating gawin habang may buhay pa tayo?
Kung ngayong tayo ay buhay ngunit ngimi sa kalagayan ng kalikasan bagkus puro paninira at pang-aabuso lamang ang ating naiaambag, sino ang ating ituturo sa ating kapalaluan?
Ilang Ondoy at Pepeng pa ang hihintayin natin para madamang muli ang pagkakapatiran at kababaang loob ? Huwag naman tayong masyadong makasarili at mapag-imbot, hindi lamang tayo ang humihinga sa mundong ito.
Ano ang silbi ng mansiyon kung kumakalam naman ang ating sikmura? Ipagpalagay na ang tao ay makaimbento ng mga kaspula o gamot na pwedeng inumin na hindi magugutom ang tao, pero sa katagalan baka wala na ring pagkunan ng hilaw na kagamitan mula sa kalikasan.
Kung wala pang isang porsyento ng populasyon ang may pagkalinga sa kalikasan, ito ay mauuwi din sa kasawian.
Hangga’t mayron tayong buhay, kaya nating gumawa ng hakbang, wala ng silbi ang pagtangis at panghihinayang kapag tuluyan ng naghiganti ang kalikasan.
Nasa iyong paninimbang na ang mga kasagutan, ngayon ba o bukas ang mahalaga?
Ang sabi ko nga sa mga nakakausap ko, pati yata panahon ay bayseksuwal na rin.
Iinit at uulan ng hindi mo inaasahan.
Nagbabago na talaga ang panahon.
Posted by kayumanggingdamdamin at June 10, 2009, 12:29 pmAba’t talagang napunta sa bayseksuwalidad… hay, ibig niyong sabihin, ang mga bi ay sala sa init, sala sa lamig? Di malaman kung ano ang gusto? Ehehehe…
Posted by xdalisayx at June 10, 2009, 9:50 pmOo yon ang pinakadirektang pwedeng paghambingan ng mga “bi” na tao.
Pero kung lilimiing maigi maraming positibong atribyut ang mga bi, pero kapag sinuri sa malalim na pananaw- sila ay pangkaraniwan din lamang na nalilihis lamang sa karamihan ang paniniwala.
Posted by kayumanggingdamdamin at June 11, 2009, 12:52 pmAhahaha. May punto kayo. Pero, kanya-kanyang trip lang ‘yan. Basta ako, identity crisis pa rin ako hanggang ngayon. Tinitimbang-timbang ko pa rin ang mga bagay-bagay hinggil sa kung sino at kung ano ako.
Ayus, mula sa kalikasan, napunta sa sekswalidad. Ahahaha.
Posted by xdalisayx at June 14, 2009, 5:21 pmnaalala ko yung kantang big yellow taxi.
they paved paradise, and put up a parking lot. nagbabago na nga ang kalikasan.
Posted by Ax at June 16, 2009, 4:42 pmSana may mga Pilipino pa ring, kahit sa maliit na paraan, may naiiaambag sa pagsagip sa nalulunod na nating kalikasan. Minsan ng ako ay tawagin upang magsalita sa harapan ng mga volunteers para sa pagtatanim ng puno, maikli lang ang aking naging pahayag:
” Ang tao, ang nais niya ay mabuhay, ngunit saan nga ba kumukuha ng pagkain ang mga tao? Hindi nga ba at sa ating likas na yaman? Kapag naubos, kaya mo bang kainin ang gusali?
apir… magtanim ng puno yan ang pinakamaganda… at respeto sa kalikasan.
salamat sa pag back read.
Posted by livingstain at June 30, 2009, 6:49 pmOo sana kahit sa maliit na pamamaraan, mayroon tayong maitutulong sa ating kalikasan.
Walang anuman, buhay na Mantsa.hehe
Posted by J.Kulisap at July 1, 2009, 6:04 pm
Kapag uminit - sobrang init. Kapag umulan naman - sobrang ulan at sobrang lamig at sandali lang ay baha na agad. Nagkakaroon na ng buhawi sa atin, pati yelo napapabalitang bumabagsak na rin sa kalangitan ng Pilipinas.
E, imbis na yung Manila Ocean Park at si Manny Pacquiao ang inaasikaso ng butihing kalihim ng DENR - ang mga basura at pagtatanim ng puno ang dapat na pinagbubuhusan niya ng pansin! Pero, tayo na rin mismong mga mamamayan, kahit sa maliliit na paraan na hindi pagtatapon ng basura kung saan-saan at pagtitipid ng kuryente - pag pinagsama-sama ang maliliit na bagay na iyan ay malaking tulong na sa ating kalikasan.
Hindi natin gaanong pansin ang mga problemang pangkapaligiran, kumpara sa mga isyung pulitikal, pangkabuhayan, at panlipunan - subalit, hayan, nagpaparamdam na, at nakakatakot, malupit kung maghiganti. Kagagawan din naman kasi nating mga tao, e…
Posted by xdalisayx at June 9, 2009, 7:12 am