Nakatutulig ang pukpok ng martilyo,nakapangingilabot ang katahimikan sa courtroom, ang mahigit 10 pahina ng paghahatol ay nakakakapos ng hininga, kaya ko kayang busalan ang bibig ng branch clerk?
“Malaya na si Bro, Malaya na si Bro”, ito ang aking hiling, ito ang gusto ng aking pamilya.
Ang stenographer,branch clerk, fiscal,judge, pulis, ang biktima at ang suspek, kompleto na ang casting…nasa courtroom nga ako, kasama ng aking pamilya. Pinagmamasdan si Bro habang nakaposas. (more…)
Ang pagwawagi ni Barack Obama bilang pinuno ng Estados Unidos ay bumuwag sa kasaysayan ng usaping pamahalaan sa nasabing bansa.Buong mundo ay naging saksi sa pangyayaring ito. Ang katunggaling si McCain na naglatag din ng magandang panukala para sa higit na ikabubuti ng bansa ay tinanggap ng maluwalhati ang kaniyang pagkatalo.
Wala pang 24 oras, nalaman na kung sino ang nagwagi, mabilis at naniniwala akong malinis ang mga pangyayari..walang bahid ng pandaraya, hindi yata uso yon don, dito lang sa Pinas talamak yan.
Isa lamang pagpapatunay na ang utak ay walang pinipiling kulay, kasarian, lahi at paniniwala, tanging matalinong pagpapasiya, tiyak na makukuha ang naisin.Hindi ang panlabas na kaanyuan ang magsisilbing sandata ni Obama upang harapin niya ang mga naghihintay na proyekto at programa sa White House. Ano man ang kahihinatnan ng pamumuno ni Obama, ito ay kaniyang tadhana na dapat harapin at panindigan. Ipinakita din sa halalang ito ang “ego” ng mga puti, inaasahang mas maraming kakampi kay McCain dahil ito ang lahi niya, samantalang si Obama ay hindi puro, may lahing itim at puti, kapag pinaghalo kayumanggi, hindi kaya isang Pinoy si Obama, patawa lang..huwag seryosohin. (more…)
Dapit-hapon na naman. Nakatunghay si Paquita sa bintana, umuusal ng panalanging diringgin ng Diyos. Ang prinsipe niya ay ipagkaloob kahit sa sandali man lamang. Susundan ka ng liwanag ng buwan, hanggang ngayon alipin ka rin ba ng misteryo ng buwan? Basahin ang tula ni Paquita at ng kaniyang Prinsipe.
Alipin ng Buwan
Sa bawat sandaling siya’y kaulayaw
Ano ba’t lungkot ay hindi dumalaw
Ako’y nangangarap na hindi umaraw
Nang sa liwanag ng buwan tuloy ang tampisaw.
Taglay ay hiwaga at luwalhating tunay
Dala nitong buwan liwanag habang-buhay
Bagama’t umusbong at kapagdaka’y tumamlay
Alaala ng pagsintang minsan ay sumilay.
Muling susulyap ang buwan ng pagsinta
Hintayin mo lamang ang makisig na binata
Muli kang itatakas upang maidambana
Pag-ibig niyang wagas iyong madarama.
Pagbilog ng buwan aking hinihintay
Sidhi ng pag-ibig sa iyo ay ibibigay
Umaalimpuyong damdamin ang aking alay
Iyong pagmamahal ito ay aking buhay.
Saksi ang bituin sa maalab na halik
Huni ng ibon at kuliglig nagsisilbing awit
Kapagdaka’y napatda, araw ay sumilip
Magwawakas na nga ba ang alay mong pag-ibig?
O aking giliw ating hilingin
Alimpuyo ng hangin ating supilin
Silakbo ng puso ng Ama’y payapain
Ako’y maghihintay pagsapit ng takip-silim.
Kahit anong unos hindi kayang suwayin
Pag-ibig na sa puso’y pilit itinanim
Sa pagbilog ng buwan liwanag ay akin
Wagas na pag-ibig ating sasariwain.